MARAMING iminulat ang bagyong si Ondoy. Unang-una na ay ang
pagiging handa sa pagdating ng kalamidad. Sa mga taong nasalanta, karamihan
sa kanila ay nagsisisi kung bakit hindi agad sumunod sa babala na lisanin ang
lugar. Maraming nag-akala na karaniwang baha lamang iyon. Nang lumalaki na ang
tubig saka lamang nila lubusan na napagtanto na huli na ang lahat para kumilos.
Karamihan sa mga nawalan ng mahal sa buhay ay sinisisi ang sarili kung bakit
hindi naging handa at binalewala ang babala.
Isa rin si Metro Manila
Development Authority (MMDA) chairman Bayani Fernando na namulat sa nangyaring
kalamidad. Isang araw makaraan ang hagupit ni Ondoy, inangkin niya ang
kasalanan sa nangyaring grabeng baha. Ang MMDA raw ang may responsibilidad sa
paglilinis ng mga daanan ng tubig pero hindi nila gaanong nagampanan iyon dahil
na rin sa hindi mapigil na pagsulpot ng mga nanininirahan sa gilid ng estero
at mga ilog. At sa dakong huli sinabi ni Fernando, na maaaring maulit pa uli
ang mga pagbaha kapag hindi nakipagtulungan ang mama mayan. Ibig niyang
sabihin, maiiwasan ang mga pagbaha kung wala nang maninirahan sa mga tabing
ilog o mga pampang ng daanan ng tubig. Sabi pa ni Fernando, maaaring tayong
lahat ay sisihin sa nangyayaring pagbaha.
Tama si Fernando na maaaring maulit ang pagbaha. Tiyak iyon sapagkat
bukod sa hinaharangan ng mga barung-barong ang mga daanan ng tubig, doon din
sila nagtatapon ng basura. Naging malaking basurahan ang mga estero at kanal
sa Metro Manila. Kahapon ay unti-unti nang humupa ang baha sa ilang lugar
subalit sa Cainta at sa iba pang bayan sa Rizal ay nananatili pa rin ang tubig.
Sa mga lugar na binaha, nakikita ang palatandaan kung bakit biglang-bigla at
ayaw agad bumaba ang tubig — mga basurang plastic.